Ang Sensitive Ko Nga Ba?

158 days mula nung unang private message nating dalawa. 78 days mula nung una akong umiyak sa’yo dahil sensitive nga yata ako nung araw na ’yun. Halos magdodoble pala. Anong meron tuwing 80 days? Bakit ang sensitive ko nanaman yata?

158 days.

‘Di ko alam kung paano naging sapat ang 158 days para maramdaman mo sa pangalawang beses ang nararamdaman ko kahit 38 kilometers ang layo nating dalawa. ‘Di ko alam kung paanong sa loob ng 158 days eh kabisado na natin ang isa’t-isa kung may problema, o di maganda ang pakiramdam, kung durog ang puso, o may gustong sabihin na hindi malaman kung paano. Pero sabi nga natin, tayo sina B1 at B2. Minsan mahirap o malabo ang signal pero ‘di magtatagal, aayos din naman. Sa mga salitang ginagamit natin sa chat, gets na natin kung may something. Sa paraan ng pakikipag-usap natin o sa frequency ng pagmemessage at bilis o bagal ng pagrereply, alam na alam na natin kung kailangang magtawagan dahil malamang may umiiyak nang isa. Pero parang ako lang lagi ‘yung umiiyak ‘no?

Ang sensitive ko nga ba?

Bakit pilit pa ding nagja-justify ang isip at puso kong tama at may basehan ang mga nararamdaman ko? Bakit hindi ko pa din matanggap na makarinig ng mga katagang ipinukol sakin na wala man lang senyales na darating? Sana nakapaghanda ako. Sana nakakuha ako ng hint na may ganun. How could I be insensitive when I needed to be sensitive the most? Mali ba ang timing? Sa’n nanaman ba ako naging naive at clueless?

Binulag ba ng kagandahan ng dagat at mga bituin ang mga mata ko para hindi makitang may nangyayaring hindi maganda sa loob ng tatlong araw? Akala ko kasi talaga eh masaya. Masaya kasi akong bumalik sa Maynila. Hindi naman ako malungkot nung umalis pero doble ang kaligayahan ng puso ko nung bumalik ako. Pero fake yata.

Nakakalungkot lang. Nakakapanghinayang.

Nakakalungkot na nakakapanghinayang kasi totoo nga, ang temporary ng mga bagay-bagay sa mundo. Nakakalungkot na nakakapanghinayang kasi naniwala akong may power sa pagkakaibigan. ‘Yun kasi ang pinanghawakan ko. ‘Yun kasi ang lubos na nagpasaya sakin nitong mga nakaraang buwan. Nakakalungkot na nakakapanghinayang dahil parang ako ‘yung unang susuko. Ako ‘yung unang titiwalag. Sa kagustuhang lumayo sa mga mapanakit na salita at mga bintang, nakakalungkot at nakakapanghinayang na gusto ko nang bumitaw.

Agad-agad.

Sabi ko kasi magiging masaya ako ngayong taon. Sabi ko kasi magpapalakas ako ng puso sa loob ng labindalawang buwan. Sabi ko kasi, ako muna, sarili ko muna, wala munang magulo.

O parte ba ito ng pagpapalakas ko? Kailangan ko ba talaga ito para mas maging matatag at ‘pag lumaon ay hindi na matitinag? Bakit ‘yung akala kong magpoprotekta sakin laban sa mga mapanakit eh kanila yatang kapanig? Umiiyak ba ako dahil sa mga salitang itinapon sakin o sa kadahilanang hindi ako naipagtanggol gaya ng inaasahan ko? O baka naman pareho.

Tanong, ang sensitive ko nga ba? O sadyang sinaktan lang nila ‘ko talaga?

On a brighter side, masarap ding umiyak at humagulgol ha. Buti na lang, andiyan ka.

Advertisements

In My Waiting

When you sent flooded messages that seems you cannot postpone
I know that you are feeling different; pain inside you has fully grown
When you no longer respond to my random updates and funny tales
I know that you are hurting; every effort on calming yourself fails

In my waiting, I utter a prayer.
In my waiting, my heart cries that it’ll be over.
In my waiting, I cannot do anything but to think about you.
In the anguish of my waiting,
Even we are 38 kilometers apart, I clearly see you.

In my waiting,
Though I do not feel the torture,
Know that I am troubled,
And I sense the discomfort,
There is a sting within me,
That instantly fades away,
Once I recognize that you’re already okay.

“I’m okay, as long as you’re okay.”

Para Sa’yong ‘Di Pa Nagmemessage Ng Good Morning

‘Yan ang palagi kong hinahanap sa pagmulat ng mga mata ko tuwing umaga matapos kong magpasalamat sa Panginoon sa pagbabantay Niya sa akin magdamag at sa panibagong araw na puno ng pag-asa.

Kung walang text, automatic na magbubukas ako ng data para tingnan kung anong oras ka nagmessage sa viber o messenger – ng “good morning” o “magandang umaga” – na may kasamang mga masasayang emoji na nagpapangiti sa akin.

Gumising akong wala pareho.

Mixed emotions. Kinakabahan ako kung bakit wala, at the same time eh masaya akong isipin na mahaba ang tulog mo this time.

Nagpuyat nanaman kasi tayo. Part of me eh sinisisi ko ang sarili ko dahil ginugulo kita lately gawa ng problema ko sa ibang tao. Feeling ko talaga sobrang iniistorbo na kita, kayo. Pero wala kasi talaga akong ibang masabihan at mahingan ng tulong. Sorry na ulit. Last na ‘to.

Sa kabila ng lahat eh ramdam na ramdam ko ang pagmamahal niyo, ang pagmamahal mo. Sa lahat ng effort man o hindi kung ituring eh sobrang nagpapasalamat ako. Sabi ko nga, hindi ko alam kung paano ako makakabawi.

Ang totoo, matapos nating mag-agree kaninang madaling araw na sabay tayong pipikit at magdadasal hanggang sa makatulog, eh hindi agad ako pumikit. Madaya ba ako kung ginusto kong i-backread ang mga conversations nating kalat sa kung saan-saang platforms?

Pinilit ko nang pumikit afterwards at nagsimulang magdasal hanggang sa nahimbing. Walang ibang laman ang panalangin ko kundi ikaw. At for some unknown reasons, nagigising ako maya’t-maya na may halong takot. You know me so well, alam mo kung gaano ako kabilis makatulog at kung paano mo akong hindi basta-basta magigising ‘pag nakatulog na ‘ko. Pero kanina, ang hirap.

Gusto kong tawagan ka kung okay ka lang pero nanghihinayang ako na baka nakatulog ka na. Ilang araw ka nang hindi natutulog ng maayos, sabi mo. “Dahil ba natatakot kang hindi na magising isang araw?” tanong ko. Sinagot mo ako ng “Oo,” at kinailangan kong paganahin ang utak ko kung paano kita mapapatulog ng payapa, nang hindi kailangan ng alak, at naisip kong sabayan kang pumikit, magdasal, hanggang sa mahimbing.

Nagising ako ng maaga. Weird, dahil Sabado ngayon at weird, dahil hindi pa sapat sa 7 hours na normal sleeping time ko. Ang init kasi. Nakamedyas pa akong hanggang tuhod at hindi nagbukas ng aircon. Naramdaman ng puso ko ang hirap sa paghinga dahil sa init ng araw na tumagos na sa bukas kong kurtina.

Nagpasalamat na ako sa Panginoon sa pagbabantay Niya sa akin magdamag at sa panibagong araw na puno ng pag-asa. Pero wala pa din ang “good morning” mo o “magandang umaga.”

Nagbukas na ako ng data para tingnan kung meron sa viber o sa messenger, wala pa din.

Mixed emotions. Kinakabahan ako kung bakit wala, at the same time eh masaya akong isipin na mahaba ang tulog mo this time.

Umaasa ako. Mag-uusap pa tayo buong araw at magkikita pa tayo bukas, diba?

Paramdam ka agad ha, please?

—–

Dahil ang puso kong weak ngayong summer dahil sa init ng panahon ay tumatatag at lumalakas dahil sa init ng pagmamahal mong ipinadarama sakin ngayon.

Subukan Mo Lang

Tinanong ko na din kung bakit sa dinami-dami ng kaibigan mo, sa akin mo pa sinabi ‘yang pinakaiingat-ingatan mong lihim. Tinanong ko na din kung bakit sa dinami-dami ng nagmamahal sa’yo, ako ‘yung nand’un sa panahong gusto nang sumabog ng puso mo.

Hindi aksidente ang lahat, naniniwala ako. Hindi aksidente na kailangan mo ng kausap ng oras na ‘yun at hindi aksidente na nand’un ako para kausapin ka.

———

Patawad kung  binali ko ang pangako kong hindi kita guguluhin at bibigyan kita ng katahimikang hinihiling mo. Patawad kung hindi ako mapakali sa kaiisip kung ano na ang nangyayari sa’yo. Patawad dahil hindi ko nagawang magsinungaling nung sinabi ko sa’yong hindi ko pala kayang hindi ka kausapin. Sinubukan ko, pero hindi talaga. Sorry na. Patawad kung hindi mo nasunod ang sarili mong rules dahil nag-aalala kang nag-aalala ako.

Sinabi kong okay na ‘ko basta okay ka. Pero sa’yo na din nanggaling na hindi ka talaga ka okay kaya hindi din ako natahimik.

Patawad kung ginamit kong pang-blackmail ang puso kong ayaw tumibok ng normal ilang araw. Hindi ko alam kung nag-iinarte lang ba talaga ang puso ko o sadyang nakiayon siya sa panahon para baliin mo ang rules mo. HOHOHO. Para may magamit akong dahilan. Para hindi mo ako matiis. Para buong araw ulit tayong magkwentuhan.

Siguro nga ako ang itinakdang masabihan mo dahil makulit ako. Siguro nga nung biglang bumagsak ‘yung mga mattress sa kwarto ko for unknown reason eh hudyat ng Panginoon na may dark thoughts na namumuo diyan sa isipan mo at that very moment, at ‘yung mga kabang paminsan ay nararamdaman ko anumang oras buong araw eh inaallow ng Lord para ipaalalang kailangan kitang kumustahin. Kailangan kitang kulitin. Kailangan kitang patawanin. Kailangan kitang paalalahanan na masarap mabuhay at mapalad tayong nakilala natin ang isa’t-isa.

Pero alam mo ba, sa tuwing ginagawa ko ang mga bagay na ito, nakakatawang ako ang kinukumusta mo at nakakatawang sinisigurado mong maayos ako. Nakakatawang ang kulit-kulit mo. Nakakatawang ako ‘yung tawa nang tawa. Nakakatawang ako ‘yung napapaalalahanan na ako ay natatangi at isang babaeng pinagpala sa lahat. LOL.

I’m so proud of myself. Dahil sa wakas, kusa mo nang binababa ang pride chicken mong ang kunat-kunat naman. Kusa mo nang inaamin na sa kabila ng kagustuhan mong tapusin ang mga bagay-bagay eh gusto mo ding umasang mapapagtagumpayan natin itong laban na ‘to. Umpisa pa lang sinabi ko na sayong laban natin ‘to, na kasama mo ako. Ang hilig mo lang kasing solohin. May pagka-sadista ka din eh.

Nagliwanag ang mga mata ko n’ung nabasa kong umaasa ka. ‘Yun ang pinakahihintay kong salita galing sa’yo. Nabuhayan ako ng loob. Nagdasal ako ng pasasalamat, at nanumbalik ang sigla ng imagination ko na makakasama pa kita ng madaming beses.

———

Tigilan mo na ang pagdadasal sa kung saan-saang bundok at albularyo. Buset ka. Hahaha. Gaya ng sinabi ko sa’yo, ‘yung Diyos na buhay na nakakakita ng mga pinagdadaanan natin ngayon eh pwede mong kausapin nasaan ka man, anupamang oras. Nakikita ka niya at alam niya ang laman ng puso mo kahit in-denial ka pa. Alam na alam niya ang iniiyak ng puso ko tuwing gigising ako sa umaga at alam na alam niya ang bugso ng damdamin ko sa tuwing pipikit ako sa gabi.

Kung gaano mo ako kamahal at kung gaano kita kamahal, walang-wala ‘yun kumpara sa pagmamahal niya sa atin. Diba nga namatay na siya sa krus two thousand years ago? Kaya ‘wag na tayong magpakabayani pa. Tapos na kasi ang laban. Isuko na natin sa kanya ang lahat. Pasaway din tayo eh.

———

Subukan mo lang i-off ‘yang phone mo. Subukan mo lang itapon ‘yang simcard mo sa dagat. Subukan mo lang na hindi pansinin ang mga messages ko at subukan mong hindi ako replyan.

Subukan mo lang talaga… HAHAHAHA.

Hindi aksidente ang lahat, naniniwala ako. Hindi aksidente na kailangan mo ng kausap ng oras na ‘yun at hindi aksidente na nand’un ako para kausapin ka.

Dahil kung himala lang ang hanap mo, eh anong tawag mo satin? Diba?

 

Nagmamahal,

Charm Expert, Master of Blackmailing

Gusto Ko Lang Sabihin Sa Iyo

Gusto ko lang sabihin na ni-lock ko ng maayos ang pintuan ko. Bagama’t kulang pa din ako sa tulog at hindi ko natupad ang pangako kong hihimbing ng 11:30 ng gabi gawa ng Binibining Pilipinas na hindi ko din naman tinapos, gusto kong bigyan ka ng assurance na naisara ko ng maayos ang condo.

Gusto ko lang malaman mong hindi ako late ngayong araw. Hindi ko alam kung bakit. Nagmuni-muni pa din naman ako pagkagising. Nag-online pa din naman ako para tingnan kung ano ang resulta ng pageant kagabi. Umasa pa din naman ako na baka may message ka, sa text man o sa viber. Pero ang aga ko sa opisina. Nagtaka sila. Nagtaka din ako.

Gusto ko lang isumbong sayo na napagkaisahan nanaman ako ng mga kasama ko sa trabaho. Unang nagtext ang boss kong hindi siya makakapasok. Sumunod ang partner kong epal na nagsabing hindi din siya makakapasok. Eh ako itong ayaw talagang pumasok, kaso may deadline kami ngayon diba, at dalawang working days na kaming wala sa opisina last week. Kawawa naman ang mga internal customers. Syempre hindi ko sila matitiis. Hindi ko kayang isang-tabi ang social responsibility ko at hindi din ako mapapakali. For humanity’s sake, ‘eto nanaman ako.

Gusto kong ipaalam sayo na kumain ako ng maayos for breakfast at uminom ako ng maraming tubig. Inuna ko pating kainin ang saging, sabi niyo inuuna dapat ang prutas diba? Kakain din ako ng maayos mamayang tanghali at mamayang gabi. Hindi ako magpapagutom gaya ng palagi mong ibinibilin. Kahit palagi kong inirereklamo na ang taba-taba ko na at gusto kong mag-diet, oo kakain pa din ako.

Anong oras pa lang pero ang dami ko nang kwento. Ganito ko normal inuumpisahan ang araw ko. Ang i-update ka/kayo sa mga nangyayari sa akin. Ang bumati ng good morning o magpadala ng sticker na kumikiss sa umaga, saying na ipinagdasal ko kayo pagkagising ko.

Ang aga pa lang pero ang dami ko nang sinabi. Bagay na ewan ko kung magagawa ko pa ulit. Sabi mo diba, baka nasanay ako kay ano na nag-uupdate palagi kaya ginagawa ko sa inyo. Naisip kong tama ka. Baka nga nakasanayan ko. I realized I’m sharing too much information nga. Ni hindi ko naisip na baka hindi naman kayo interesado sa mga nangyayari sa akin buong araw. Haha. Patawad na. Sinasanay ko ang sarili ko ngayon sa pagbabago ng routine na ito.

Gusto ko lang sabihin sayong maayos ang tibok ng puso ko ngayong araw. Ang bait ng kaibigan ko. Dinala niya sa akin ang tumbler ko na may warm water. Ayoko kasi munang umakyat sa taas at nagtatago nanaman ako dito para matapos ang deadline ko. Kailangan ko ng maraming tubig para sa kapakanan ng puso ko, alam mo naman.

Gusto ko lang malaman mong okay lang ako kung hindi mo na ako kausapin simula ngayong araw. Basta ba ‘yan ang makakabuti sa pakiramdam mo, eh okay lang. Pero kung sa tingin mo eh hindi naman nakakabuti at nai-stress ka lang lalo dahil namimiss mo na ako, LOL, eh alam mo namang mas masaya akong nakakausap kita kesa pareho tayong nag-iisip kung okay lang ba ang isa’t-isa.

Siguradong marami pa akong gugustuhing ikwento buong araw. Pero ibibigay ko sayo ang katahimikang hinihiling mo. Kung magiging makasarili lang ako eh malamang ginulo nanaman kita kanina, at alam ko namang hindi mo din ako matitiis. Kung magiging sobrang makasarili lang ako eh malamang tinext na kitang hindi maganda ang pakiramdam ko ngayong araw. Baka i-cancel mo pa ang flight mo at lumipad papunta sakin.

Hindi kita iistorbohin, gaya ng hiniling mo sa akin ng paulit-ulit. Kahit gusto kong itanong kung ikaw ba itong nag-message sa other FB account ko, nakadeact kasi ang account na ginamit. Eh deact yung sayo diba? Sabi dun, “Salamat sa lahat.”

Mukhang ikaw nga.

Walang anuman, at salamat din sa lahat. Gusto kitang yakapin ng mahigpit, alam mo yan.

Para sa katahimikan mo, magiging okay ako. Panalangin ko na maging okay ka din. Pahiram ng mga linya mo ha.

Okay na ako basta okay ka.

The Other Reader’s Response

Hindi talaga sapat ang magdamag.

Ang dami ko ding gustong sabihin. Ang dami kong gustong itanong. Naisip kong pagkakataon na para ako naman ang magsermon. Ako naman ang magpaalala. Pero naisip ko din, mas kailangan mo ng tagapakinig sa mga sasabihin mong hindi mo masabi-sabi simula pa lang.

Hanggang inumaga na tayo.

Nakailang hampas ako ng unan sa’yo sa mga salita mong nakakainis. Nakakainis, kasi sa kabila ng lahat, ibang tao pa din ang iniisip at inaalala mo. Kapakanan pa din ng ibang tao, kasama ako. Nakakainis, kasi ang tatag ng pride chicken mong hindi maubos-ubos. Sinubukan kong agawin at ilayo sayo pero ang tindi ng pagkakakapit mo. Pasaway ka talaga.

Hanggang itinuro mo sa likod ko ang bukang liwayway.

Nanlaki ang mga mata kong mulat na ng bente kwatro oras nang mga sandaling iyon. Sumampa agad ako sa sofa sabay hablot ng camera para makuhanan ang pagsikat ng araw na natatago sa mga matataas na gusali at istraktura.

Sabi ko, “Bukang liwayway. Bagong pag-asa.”

Sabi mo, “Tanggapin mo na. Huwag ka nang umasa.”

Hindi ko alam kung bakit hindi ako makaiyak. Hindi ko alam kung bakit hindi matanggal ang mga ngiti sa labi at mga mata ko habang pilit mo akong inihahanda sa mga posibilidad na mangyayari sa mga susunod na araw at linggo. Dahil ba palagi mong sinasabi na gusto mong maging masaya ako? Na gusto mong palagi akong masaya? Na halos liparin mo ang ilang kilometrong distansiya natin para samahan akong kumain ng paborito nating sorbetes tuwing sasabihin kong malungkot ako o hindi maayos ang pakiramdam ko?

Siguro nga. Nakangiti at masaya ako sa harapan mo kahit alam kong gulung-gulo na ang isip ko kung paano ko pakakalmahin ang puso kong ilang araw nang tumitibok ng abnormal. Kasi alam mong masunurin ako. Alam mong pag sinabi mo, gagawin ko.

Ang totoo, ilang araw na akong nakararanas ng heartburn. Pero hindi ko sinasabi sa iyo kasi mag-aalala ka at mapapagalitan mo ako. Baka sumunod ka pa sa Bataan. Eh hindi ka naman papapasukin dun.

Ang totoo, naiwan kong bukas ang pintuan ko kanina paglabas ko. Hindi ko alam kung bakit hindi ko nasusian. Baka dahil sa puyat. O dahil lutang at tulala. Pitong oras ako sa labas ng bahay. Pitong oras nalagay sa panganib ang mga gamit ko. Normal saking kinekwento sayo ‘yung mga ganitong “katangian” at masaya kang sesermonan ako na may halong pang-bubully. ‘Yung tatawanan natin pareho pero sa dulo ng usapan eh magseseryoso kang ipapaalala sa’kin na wag ko nang hahayaang mangyari ulit ang ganun sa susunod. At lagi akong mag-iingat. Pero hindi ko kinwento sayo. Sabi mo kasi gusto mong mapag-isa. Kating-kati akong kausapin ka pero sabi mo, hayaan na kita. Alam mo namang masunurin ako.

Ang totoo, umiyak nanaman ako sa Panginoon kanina. Dahil nga masunurin ako, iniba ko na ‘yung panalangin ko. ‘Yung naaayon na sa kagustuhan mo. ‘Yung kung ano na ang kagustuhan Niya. ‘Yung gusto mo na ding matapos na. ‘Yung sana ‘wag masyadong masakit.

“Lord, You are sovereign above anyone and anything in this world. I believe that as long as it is according to Your will, if it entails a miracle to make that happen, then be it.”

Makasarili ba ako kung sasabihin kong ayaw pa kitang pakawalan? Na marami pa akong naiimagine na masasayang tagpo natin kasama ang ibang mga kaibigan?

Gusto mo na ba talagang lumisan?

Maskara

Mapanlinlang. Puno ng kasinungalingan. Hindi ko alam kung paanong nadadala ng kunsensiya mo ang mga paratang na walang katotohanan. Alam natin ‘yan pareho. Sinabi ko sa’yong ayusin mo. Pinatunayan mong makalipas man ang maraming taon, hindi ka pa rin nagbabago.

Manloloko.

Natawa nga ako at nadetalye mo pa ang mga pangyayaring apat na taon na ang nakalipas. Sabagay, marami nga namang dagdag at bawas. Tulad ng mga kwento mo noon pantungkol sa sarili mo, sa pamilya mo at sa mga karanasan mong nakakaawa – na pinanghawakan ko at naging matinding dahilan upang hindi ka iwanan.

Naisip ko nga, minahal nga ba talaga kita o sadyang naawa lang akong maiwan kang mag-isa?

Buti na lang ay kusang nalaglag ang maskarang suot-suot mo at kusa ka ring umalis sa buhay ko. Oo, ang dami kong iniyak gawa nang puso ko noong wasak na wasak. Pero malaya na ako. Palayain mo na ako ng tuluyan. Isuot mo man ulit ‘yan at humarap sa iba, kilalang-kilala ko na ang mga galawan mong walang kwenta.

Pangit ka!